1. SURING PANTANGHALAN
Ang kabuluhan ng isang pelikulang pantanghalan ay nakabatay sa bisa o epekto nito sa
tagapanood. Nagdulot ba ito ng aliw, nagturo ba ng iisang ideya, nagmulat ng kamalayan,
nagpahalaga sa sining o kagandahan, nagpatingkad sa mithiin ng kaluluwa. Nagbibigay katuparan sa
isang pangarap, naghatid ng kakaiba at bagong karanasan o nag-aksaya lamang ng salapi at
panahon?
Sa panonood ng isang pelikulang pantanghalan, mahalagang pagtuunan ng pansin ang
sumusunod:
1. DIREKSYON – Ito ay tumutukoy sa paraan kung paano ipahahatid ng director ang mensahe
ng kwento sa pamamagitan ng lenggwahe ng pelikula. Ang director ay itinuturing na kapitan ng
bapor na responsable sa pagtatamo ng kaisahan ng bawat tagpo o eksena sa sistemang audio-
visual. Siya rin ang nagbibigay ng motibasyon o naghihikayat sa karakter kung paano
isasagawa ang isang sitwasyon. Pananagutan ng director ang tumugon sa hamon ng sining.
2. ISTORYANG PANTANGHALAN – Sinusubaybayan ng mga tagapanood ang daloy ng mga
pangyayari sa isang pelikulang pantanghalan. Ang mga pangyayari sa istorya ay binigyang-
linaw sa pamamagitan ng mga salaysay, dayalogo o usapan upang palutangin ang tema,
madudulang bahagi, suliranin, mga pagbabago sa takbo ng mga pangyayari, kasukdulan,
kakalasan at wakas ng isang istorya. Kung malabnaw at hindi makatotohanan ang mga
salaysay at dayalogo sa isang pelikulang pantanghalan, magiging pilit at mabagal ang takbo ng
mga pangyayari at kung minsan, hindi pa man nangangalahati ang pelikula ay mahuhulaan na ng
manonood ang susunod na mangyayari o magiging wakas nito. Ang matalinong manonood ay
nakababatid kung anong istorya ang may kabuluhang panoorin.
3. PAGGANAP – Ito ay may mahalagang bahaging ginagampanan sa ikagaganda ng isang
pelikulang pantanghalan. Binibigyan-lalim at bisa ng pagsasabuhay sa mga karakter ang mga
emosyon, diwa, saloobin, sa dimension ng pag-arte. Sa sandaling mabuo sa isipan ng
manonood ang papel na ginagampanan ng mga actor o aktres sa paraang matapat at sa halip
na ang personalidad ng gumaganap ang mangibabaw, masasabing nabigyang-katarungan ng mga
actor o aktres ang istorya.
4. SINEMATOGRAPIYA– Ang pokus ng elementong ito sa paggawa ng isang pelikula ay tunay na
nagbibigay-pakinabang sa karanasang hatid ng mga mata. Kailangang maging tiyak at
masining ang bawat anggulo ng kamera, ang bawat mahalagang galaw ay dapat na magagawang
ikwadro, dapat na maabot ang layo at lapit na nais marating, mabigyan ng dramatikong
liwanag at dilim sa pag-iilaw, maipinta ang mga hugis,anino at kulay. Hindi nga ba’t may
totoong damdaming pinupukaw ang mga sinematikong tanawin sa isang pelikulang pantanghalan
na nagdudulot ng paghanga at bunting-hininga.
2. 5. DISENYONG PAMPRODUKSYON – Napapansin mo ba kung ang mga kagamitan,tanawin, set,
panahon sa pelikulang pantanghalan iyong napanood ay angkop sa istorya at mga tauhan? May
kakayahan bang likhaing muli ang mga tagpo at kapaligiran ng pelikulang pantanghalang
pinanood? Nagawa ba nitong maglakbay nang pabalik sa panahong tinutukoy ng istorya?
Naihatid ka ba ng pelikula sa daigdig ng imahinasyon? Magiging kapuna-puna ang kahinaan o
kakulangan ng isang produksyon sa mapanuring mata ng manonood ng kung sa halip na ito ay
makatulong sa ikagaganda at pagiging makatotohanan ng pelikulang pantanghalan ay tumawag
ng pansin dahil sa mga detalyeng hindi binubusisi o pinag-uukulan ng sapat na panahon upang
mapaghandaan.
6. EDITING – Ang istorya ng isang pelikulang pantanghalan ay karaniwang may habang umaabot
sa dalawa hanggang dalawa’t kalahating oras kung pinanonood. Kung minsan, may mga tagpong
sa palagay ng manonood ay hindi na dapat isinasama kung minsan, may nawawalang eksena na
sa palagay ng manonood ay dapat na ipakita. Nakaiinip panoorin ang isang pelikulang mabagal
ang pag-unlad ng mga pangyayari, nakalilito o nakawawalang gana ang istoryang malabo ang
kaugnayan ng bawat eksena at parang kidlat ang bilis ng paglitaw ng istorya, kaya’t walang
organisasyon o kaisahan ng mga pangyayari. Sa isang mahusay na editing, ang mga eksenang
kailangan o mahalaga ang tinitimbang nang hindi isinasakripisyo ang kabuuan.
7. MUSIKAL ISKORING – Iba-iba ang emosyon sa bawat eksena sa pelikulang pantanghalan.
May bahaging lungkot ang mangingibabaw, takot o pagkagulat, galit o paghihiganti,
pagmamahal at suyuan, katuwaan o panghihinayang,sigla at tagumpay, pagkabigo at
kamatayan. Ang mga ganitong tagpo ay pinatitingkad ng madyik ng musika at tunog. May
eksenang hindi kailangan ang dayalogo, kilos o tunog. May bahaging ang katahimikan, musika
at tunog lamang ang makapagbibigay ng kahulugan. Isipin mo kung walang musika o tunog ang
isang pelikulang pantanghalan – ano nga bang kagandahang dulot ng mga nota? Kung may
musika at tunog, isipin din kung angkop.
8. PAGLALAPAT NG TUNOG – Malabo ba ang dating ng mga dayalogo sa pelikulang
pantanghalan?Nahuhuli ba o nauuna ang mga tunog sa bawat eksena? Ang panonood ng
pelikula ay kapakipakinabang na halimbawa ng libangan. Ngunit sa gitna ng ating pagkaaliw o
paglilibang,dapat hindi lamang basta nanonood. Ang pelikula pantanghalan ay may tungkulin sa
dimensyong sosyal. Ang pelikula ay dapat na magbigay – galang sa kakayahang mag-isip ng
manonood. Makibahagi sa panonood.