Ang maikling kuwento - binaybay ding maikling kwento - ay isang maiksing salaysay hinggil sa isang mahalagang pangyayaring kinasasangkutan ng isa o ilang tauhan at may iisang kakintalan o impresyon lamang. Isa itong masining na anyo ng panitikan. Tulad ng nobela at dula, isa rin itong paggagad ng realidad, kung ginagagad ang isang momento lamang o iyong isang madulang pangyayaring naganap sa buhay ng pangunahing tauhan. Si Deogracias A. Rosario ang tinuturing na "Ama ng Maikling Kuwento". Tinawag rin itong dagli noong panahon ng mga Amerikano at ginagawa itong libangan ng mga sundalo. Ang alamat ay naiiba dito at sa kasaysayan bagamat may mga elemento ang dalawa. Ang ito ay di-totoo. Ang kasaysayan ay totoo, samantalang ang alamat ay may mga bahaging totoo at mayroon din naman na hindi totoo ang kuwento at kadalasang ang kuwento ay tungkol sa mga naganap sa di-totoong lugar at di-totoong panahon. Kayarian Bilang isang akdang pampanitikan, maaaring magsalaysay ng tuluy-tuloy ang maikling kuwento ng isang pangyayari hango sa tunay na buhay; may isa o ilang tauhan lamang, sumasaklaw sa maikling panahon, may isang kasukdulan, at nag-iiwan ng kakintalan o impresyon sa isip ng mambabasa. Mga Elemento Panimula- Dito nakasalalay ang kawilihan ng mga mambabasa. Dito rin kadalasang pinapakilala ang iba sa mga tauhan ng kuwento. Saglit na Kasiglahan- Naglalahad ng panandaliang pagtatagpo ng mga tauhang masasangkot sa suliranin. Suliranin- Problemang haharapin ng tauhan. Tunggalian- May apat na uri: tao laban sa tao, tao laban sa sarili, tao laban sa lipunan, tao laban sa kapaligiran o kalikasan. Kasukdulan- Makakamtan ng pangunahing tauhan ang katuparan o kasawian ng kanyang ipinaglalaban. Kakalasan- Tulay sa wakas. Wakas- Ito ang resolusyon o ang kahihinatnan ng kuwento. Tagpuan- nakasaad ang lugar na pinangyayarihan ng mga aksiyon o mga insidente, gayundin ang panahon kung kailan naganap ang kuwento. Paksang Diwa- pinaka kaluluwa ng maikling kuwento. Kaisipan- mensahe ng kuwento. Banghay- pagkakasunod-sunod ng mga pangyayari sa kwento