1. Ang Bulag at Ang
Pilay
Paano mo nilulutas ang iyong suliranin?
Anong katangian ang dapat taglayin ng
isang tao upang malampasan niya ang
kanyang suliranin?
2. Sa isang baryo, may nakatirang magkaibigang
pulubi. Ang isa ay si Bulag at ang isa ay si Pilay. Isang
araw, nakaisip ng paraan ang magkaibigan upang
guminhawa ang kanilang buhay. Nagtungo sila sa
bayan sa pag-asang makatatagpo ng mga taong
maaawa sa kanila at maglilimos. Ngunit sa
kasamaang palad, wala ni isa mang nag-abot sa
kanila ng kahit isang kusing. Malungkot na
napasalampak sa kalsada si Pilay. Nanlumo naman si
Bulag sa labis na himutok.
“Paano na ngayon, Pilay? Sumasakit na ang
sikmura ko,” sabi ni Bulag. Kinakausap niya si Pilay
ngunit ang mga mata nito ay nakatingin sa kung saan.
Napakamot sa kanyang hita si Pilay, “Eto nga,
nag-iisip ako ng paraan kung paano tayo mabubuhay.
Teka, may naisip na ako.”
Itinuwid ni Pilay ang katawan bago nagsalitang
muli, “Mahabang paglalakbay ang gagawin natin,
Bulag, ngunit nakatitiyak akong papalarin tayo.”
3. Nag-isip si bulag at nagwikang. “Ano ang gagawin
natin, Pilay? Bulag ako at ikaw ay pilay. Mahihirapan
at matatagalan tayong maglakbay!” Kapwa natahimik
ang dalawa.
Mayamaya pa ay pasan-pasan na ni Bulag si
Pilay. Si Pilay ang nagsilbing mga mata at si Bulag
naman ang nagsilibing mga paa.
Mahahaba ang biyas ni Bulag kaya ang isang
kilometro ay nilakad lamang nito nang ilang minuto.
Nang nakasampung kilometro na sila ay umangal na
si Bulag.
“Pilay, malayo pa ba? Napapagod na ako. Hindi pa
ba tayo hihinto?” nagrereklamong tanong ni Bulag.
Lumakad muli si Bulag. Pasan-pasan pa rin niya si
Pilay nang biglang kalabitin siya nito at pahintuin.
“Bulag, sandali. Huminto ka, may natatanaw ako.
Ibaba mo ako.” Ibinaba nga ni Bulag ang kaibigan.
Pinulot ni Pilay ang isang malaking palakol at ipinasok
sa sakong dala niya.
4. “Ano ba iyang pinulot mo?” tanong ni Bulag.
“Isang malaking palakol, Bulag.
Mapapakinabangan natin ito sa ating
pupuntahan.
Binuhat muli ni Bulag ang kaibigan.
Pagkatapos lakbayin ang isang bundok ay muli
na naman siyang pinatigil ng kaibigan.
“Maganda, napakaganda, Bulag!”
“Anong maganda?”
“Napakagandang lubid, Bulag. Makakapal at
mahahaba ang hibla. May 10 yarda yata ang
haba. Mapapakinabangan din natin ito. Sige,
Bulag, ibaba mo ako at pupulutin ko.’
5. Sumunod ang inutusan. Matapos ay pinasan
niyang muli ang kaibigan. Hingal-kabayo na siya sa
hirap. Nang makaraan ang ikatlong bundok ay muli na
naman siyang pinatigil ni Pilay.
“Bulag, maganda itong nakikita ko. Hayaan mong
pulutin ko muna itong trumpeta at tambol.”
Nakaramdam na rin ng hapo ang kanyang likod sa
maghapong kapapasan kay Pilay kaya muli niyang
ibinaba ang kaibigan. Bago sila tuluyang mawalan ng
lakas ay narating nila ang isang kamalig.
“Kaylaking kamalig nito!” hindi makapaniwalang
nasabi ni Pilay.
Humakbang pa ng ilan si Bulag. Tatlo, lima, pito,
sampu. Namangha si Pilay sa tanawing bumulaga sa
kanya. Isang malaking tahanan.
“Bulag nagbunga na rin ang ating maghapong
paghahanap. Alam mo ba kung ano ang nakikita ko?”
6. Kawawang Bulag. Hindi na niya halos marinig ang sinabi
ng kaibigan sa labis na pagod.
“Bulag, ito na ang sagot sa ating paghihirap. Naririnig mo
ba ako?”
“Ngayon ka pa ba matutulog, Bulag? Ngayong nakita ko na
ang malaking bahay? Sayang, napakarami pa naman sigurong
pagkain sa bahay na ito.”
Sukat sa tinuran ni Pilay ay dagling napabalikwas si Bulag.
Nawala ang kanyang pagod. “Ano ang sabi mo, Pilay?
Maraming pagkain dito! naku, makakakain na rin tayo!”
“Taong ito, kapag sa pagkain ay alisto. Oo, maraming
pagkain kaya huwag tayong mag-aksaya ng panahon.
Halughugin natin ang buong bahay at tila walang tao.
Hinalughog nga nila ang buong bahay. Lubhang matataas
ang pinto nito. Naisip nilang hindi pangkaraniwang tao ang
nakatira rito. At maging sa silid ay napakalaki rin. Kasya
marahil ang 10 tao sa silid. At nagulat si Pilay nang tumambad
ang napakalaking lutuan.
7. Tao yata ang niluluto rito,” sabi ni Pilay sa noon ay
karga-karga pa rin ni Bulag. “Pati silya at mesa ay
ubod ng taas. Nagdududa na ako, Bulag. Hindi ito
bahay ng karaniwang tao. Bahay ito ng higante!”
“Higante?” Muntik nang maibagsak ni bulag ang
pasan-pasang kaibigan. “Umuwi na tayo, Pilay.”
Inis na napailing ang sinabihan. “Napakaduwag
mo talaga, Bulag. Hindi tayo aasenso niyan kung hindi
ka magpapakatapang. Titigil tayo. Mag-iisip ako ng
paraan upang mapasaaatin ang bahay na ito sakali
mang dumating ang may-ari.”
Napayapa rin ang loob ni Bulag. Ang malalaking
hita ng manok na nakasalang sa kawali ay inumit nila
at kinain.Halos mabundat sila sa kabusugan nang
mayamaya ay ginulantang sila ng kakaibang ingay.
8. Hinawakan ni Pilay ang kaibigan. “Shhh. Ayan na ang
higanteng may-ari ng bahay. Bulag, buhatin mo ako at
magtago tayo sa likuran ng pinto.”
Sapagkat napakalaki ng pintuan, hindi nahalata na
dito sila nagtago.
Nang pumasok ang bagong dating, lalong nanlaki
ang mata ni Pilay. May 12 talampakan ang taas nito.
Ang mga yabag nito ay halos bumingi sa kanila.Isang
higante nga.
Ang malaking kawali ang unang siniyasat ng higante
at sa tinig na mabalasik ay nagsalita ito. “May
pumasok sa bahay ko. Bakit nagkulang ng hita ng
manok sa kawali?”
Hindi umiimik ang dalawa. Natatakot si bulag. Si Pilay
naman noon ay nag-iisip na kung paano makatakas.
9. Sa tinig na animo’y kulog ay nagsalitang
muli ang higante, “Sino ka man, lumantad
ka, at ikaw ay aking kakainin!”
Sa halip na lumantad ay sumigaw si Pilay
nang pagkalakas-lakas. “Hindi ako tao!
Higante rin akong tulad mo.”
Nagulat ang higante sa narinig. Ngayon
lang siya dinalaw ng kapwa higante. Hindi
siya makapaniwala.
“Kung tunay ngang higante ka, bakit
natatakot kang magpakita?” tanong niya
sa tinig na kagimbal-gimbal.
10. “Ako’y may sa-tagabulag,” sagot ni Pilay na pilit
pinalalakas ang tinig. “Kung gusto mo ay
ipakikita ko na lamang sa iyo ang aking buhok,”
pagkuwa’y inihagis niya sa kinatatayuan ng
higante ang lubid. Gayon na lamang ang
pagkamangha ng higante nang makita ang
pagkahaha-habang hibla ng buhok ng
estranghero. Ngunit sa halip na maniwala, ay
hinamon pa niya ang may sa-tagabulag na
higante.
“Sa tingin ko ay nagpapanggap ka lamang. Hindi
kalakihan ang iyong tinig. Kung talagang higante
ka ay iparinig mo sa akin ang iyong halakhak.”
“Masusunod,” sabi ni Pilay. Pagkuwa’y kinuha ni
Pilay ang nakatagong trumpeta at hinipan ito
nang pagkalakas-lakas.
11. “O, hindi pa malakas iyan. Nabingi ka na,”
pagmamalaki ni Pilay.
Nag-isip ang higante. Kung tunay ngang higante
ang nasa pamamahay niya ay dapat makatiyak
siya.
“Pwes, sabi niya, maniniwala nga ako sa iyo na
di hamak kang malaki kaysa sa akin kung
maipapakita mo kahit isa mong ngipin.”
Nag-isip si Pilay, naalala niya ang malaking
palakol. Hinagis niya ito sa tapat ng higante.
“Narito.”
Napaurong ang higante sa nakita. Kaylaking
ngipin. Kung ito’y unahan man o bagang ay hindi
hamak na malaki ito kaysa sa kanyang ngipin.
12. “Naniniwala ka na ba?” tanong ni Pilay.
“Isa na lamang. Maniniwala akong lubusan
kung maipaparinig mo ang tibok ng iyong puso.”
Natigilan si Pilay. Mahirap yata ang
pinagagawa ng higante. Ngunit naalala niya ang
tambol. Inilabas niya ito sa taguan at pinalo
nang malakas at walang tigil.
“Narito pa!” sabay hataw muli sa tambol.
Sa lakas ng pagkapalo ay halos nabingi ang
higante. Tinakpan nito ang tainga at kumaripas
ng takbo palabas.
Gayon na lamang ang pagsasaya ng
magkaibigan. Hindi na bumalik pa ang higante.
“Ikaw lang, e,” sabi ni Pilay sa kaibigan.
“Kung hindi matatag ang loob mo ay niluto na
tayo ng higanteng iyon.”
13. 1. Bakit nagpunta sa bayan sina Bulag at Pilay?
2. Paano nagkatulungan sina Bulag at Pilay sa
paglalakbay?
3. Anu-ano ang mga napulot nila habang sila ay
naglalakbay?
4. Paano nila nagamit ang mga bagay na kanilang
napulot?
5. Bakit noong una ay ayaw maniwala ng higante na ang
kausap niya ay isa ring higante?
6. Ano ang masasabi mo sa dalawang tauhan ng
kwento?
7. Kung ikaw si Pilay o si Bulag, paano ang gagawin mo
sa iyong buhay?
8. Ano sa palagay mo king maraming nanglimos sa
magkaibiga?
9. Kung hindi naniwala ang higante, ano ang maaring
mangyari kina PIlay at Bulag?
14. Suriin ang mga salitang may salungguhit.
Naalaala niya ang tambol. Inilabas niya ito
sa taguan at pinalo ng malakas at walang
tigil.
Ang salitang may salungguhit ay
magkaugnay. Magkaugnay ang dalawang
salita kung sa pamamagitan ng bawat isa
ay nagkakaroon ang mga ito ng
kahulugan.
Kinuha ni Pilay ang nakatagong trumpeta at
hinipan ito nang pagkalakas-lakas.
15. Salungguhitan ang dalawang salitang magkaugnay sa
pangungusap.
1. Hinanap nila ang kusina. At nagulat sila nang
tumambad sa kanila ang napakalaking lutuan.
2. Ang mga yabag niya ay halos bumingi sa kaniyang
tainga.
3. Sumigaw si Pilay ng pagkalakas-lakas.
4. Hindi Bulag talagang maganda itong nakikita ko.
5. Sa lakas ng pagkapalo ay halos nabingi ang higante.
6. May labindalawang talampakan ang taas ng higante.
7. May sampung yarda yata ang haba.
8. Hindi niya narinig ang sinabi ni Pilay.
9. Hingal-kabayo na siya sa hirap.
10. Naglakbay sila hanggang sumapit sa isang malaking
tahanan.