Filipino 6 dlp 11 pagsabi ng sarilig palagay o kuru-kuro
1. 118
Module 11
6666
Filipino
Pagsabi ng Sariling Palagay o Kuru-kuro
A DepEd-BEAM Distance Learning Program supported by the Australian Agency for International Development
2. 119
Kumusta ka na? Sana’y nasa mabuti kang kalagayan at handa ka
na namang matuto ng isa pang aralin. Galingan mo, ha?
Bawat isa’y may karapatan at kalayaang magpahayag ng sariling
palagay o kuru-kuro tungkol sa mga isyu. Ngayon, matutuhan mo ang
pagsabi ng sariling palagay o kuru-kuro sa isyung pinag-uusapan.
Magbigay ng iyong sariling palagay sa isyu sa ibaba. Gumamit
ka ng mga ekspresyon sa pagpapahayag ng palagay o kuru-kuro.
Isulat ang iyong sagot sa sagutang papel.
A. Kailangang kumilos ang mamamayan hindi lamang ang
pamahalaan para sa pag-unlad ng ekonomiya ng bayan.
B. Dapat ba o hindi dapat gawing legal ang sugal?
Ihambing ang iyong sagot sa Gabay sa Pagwawasto. Kung hindi
katulad ang iyong sagot, maaari kang sumangguni sa iyong guro.
Magpatuloy ka.
Subukin Natin
Sa Mag-aaral
Mga Dapat Matutuhan
3. 120
Nasubukan mo na bang magpahayag ng inyong opinyon o kuru-
kuro tungkol sa isang isyu o bagay na pinag-uusapan? Paano mo ito
ginawa?
Basahin mo ang kuwento. Pansinin kung paano ipinahahayag ng
mga tauhan ang kanilang opinyon o kuru-kuro.
Pag-aralan Natin
4. 121
Sagutin ang mga tanong. Isulat ang sagot sa sagutang papel.
1. Saan ang punta ng magkakaibigan?
2. Ano ang kanilang usapan?
3. Sinu-sino ang mga unang dumating sa kanilang tipanan?
4. Bakit hindi agad nakarating sa takdang oras si Flor?
5. Kung ikaw ay si Cora o si Josie, magagalit ka ba kay Flor? Bakit?
Nakumbida ang magkaibigang Cora, Josie, Lina, at
Flor sa pista sa Pateros. Napagkayarian ng
magkakaibigan na sa panaderya na lang ni Lina sa Pasig
sila magkikita-kita sa ganap na ikaapat ng hapon. Bago
mag-ikaapat ay dumating na sina Cora at Josie. Mag-
iikalima na ng hapon ay wala pa si Flor.
“Baka na-trapik lang ‘yon, pahayag ni Cora nang
mainip na ang mga kaibigan, “Marami rin sigurong
mamimista tulad natin.”
“Ang sabihin mo, siguro’y mag-iikaapat na nang
umalis sa kanila. Alam mo naman iyon. Kung anong oras
ang usapan ng pagkikita, siyang oras ng pag-alis pa lang
niya sa bahay,” ang nayayamot namang sabi ni Josie.
“O, siya na yata ‘yung bumaba sa dyip,” sabi naman
ni Lina na nakatanaw sa labas.
“Nabangga ang sinasakyan kong dyip,” pagbabalita
ni Flor nang dumating. “Nasaktan ‘yung sakay sa kotse at
isinugod kaagad sa ospital ng tsuper ng dyip. Pinasakay na
lamang kami sa ibang dyip. E, ang hirap namang sumakay
at puno lahat ang dyip. Tila mahihirapan din tayong
sumakay mula rito.
5. 122
Habang naghintay sina Cora at Josie kay Flor, kaniya-kaniya sila
sa pagpahayag ng kanilang opinyon o kuru-kuro tungkol sa isyu kung
bakit hindi nakarating si Flor sa takdang oras.
Narito ang kanilang sinabi sa pagpapahayag ng kanilang palagay
o kuru-kuro.
Cora: “Baka na-trapik lang iyon.”
“Marami rin sigurong mamimista tulad natin.”
Josie: “Ang sabihin mo, siguro’y mag-iikaapat na nang umalis sa
kanila. Alam mo naman iyon. Kung anong oras ang usapan
ng
pagkikita, siyang oras ng pag-alis pa lang niya sa bahay.”
Anu-ano ang salitang may salungguhit?
- baka, siguro
• Ang mga salitang ito ay mga ekspresyong ginagamit sa
pagpapahayag ng opinyon o kuru-kuro.
Narito pa ang ibang ekspresyon na maaaring gamitin sa
pagpapahayag ng palagay o kuru-kuro sa: sa palagay ko, para sa akin,
at sa tingin ko.
Paano kaya nakapagbigay ng palagay o kuru-kuro sina Cora at Josie?
- batay sa kanilang karanasan o sa katotohanang naganap
• Magagawa ng isang mag-aaral ang magbigay ng palagay o kuru-
kuro kung siya ay nalantad sa paksa o isyung pinag-uusapan
batay sa kanyang dating kaalaman. Ang kaalamang ito ay mula
sa kanyang karanasan, pagmamasid, pagbabasa o pakikinig
kaya makabubuo siya ng sariling paniniwala tungkol sa isyu.
6. 123
Gawain 1
Ibigay ang iyong opinyon sa sumusunod na isyu. Isulat ang
iyong sagot sa sagutang papel.
1. Dapat ba o hindi dapat matutuhan ng mga babae ang mga gawaing
lalaki?
2. Dapat ba o hindi dapat matutuhan ng mga lalaki ang mga gawaing
babae.
Kung tapos ka na, ihambing ang iyong sagot sa Gabay sa
Pagwawasto. Kung naiiba ang iyong sagot sa nasa Gabay sa
Pagwawasto, huwag mag-alala. Maaari mong isangguni sa iyong guro
ang iyong kasagutan.
Gawain I-A
Magbigay ka pa ng iyong palagay ukol sa sumusunod na isyu.
Gawin ito sa sagutang papel.
1. Dapat ba o hindi dapat magtrabaho ang mga ina?
2. Dapat bang ipagmalaki o hindi ng isang lalaki ang pagtatrabaho ng
kanyang mises?
Tapos ka na? Muling ihambing ang iyong sagot sa Gabay sa
Pagwawasto. Maaari mo pa ring isangguni sa iyong guro ang iyong
mga sagot kapag naiba ang mga ito sa mga nasa gabay.
Magpatuloy ka pa.
Gawin Natin
7. 124
Ang palagay o kuru-kuro ay sariling paniniwala tungkol sa
isang isyu. Makapagbibigay ng matalinong palagay o kuru-kuro
ang isang mag-aaral kung siya ay nalantad sa isyung pinag-
uusapan batay sa karanasan, pagbabasa, pagmamasid, o
pakikinig.
Magbigay ka ng sariling palagay tungkol sa sumusunod na
pahayag. Isulat sa papel ang iyong sagot.
1. Sama-samang pagdarasal ng pamilya, tanda ng pagkakaisa.
2. Wastong edukasyon, yamang hindi mananakaw.
Muli mong ihambing ang iyong sagot sa Gabay sa Pagwawasto
at maaari mo pa ring isangguni sa iyong guro kung wasto ba ang
iyong sagot kahit naiiba ang mga ito sa nasa Gabay sa Pagwawasto.
Sagutin:
- Ano ang palagay o kuru-kuro?
- Paano ka makapagbibigay ng matalinong palagay o kuru-kuro?
Tandaan Natin
Mga Dagdag na Gawain
8. 125
Magbigay ng sariling palagay tungkol sa sumusunod. Isulat ang
sagot sa sagutang papel.
1. Dapat bang mag-aaral ang isang batang gaya mo?
2. Alin ang makahuhubog sa magandang kaasalan ng mga bata, ang
tahanan o paaralan?
3. Ang turo sa paaralan ba ay panay teorya lamang?
4. Ang paggalang sa magulang ay higit pa kaysa ginto.
Ihambing ang iyong sagot sa Gabay sa Pagwawasto. Maaari mo
pa ring isangguni ang iyong sagot sa iyong guro.
Magbigay ng sariling palagay tungkol sa sumusunod na isyu.
Gawin ito sa sagutang papel.
1. Dapat ba o hindi dapat maglayas ang isang anak kapag
napapagalitan ng magulang?
2. Pamahalaan ang dapat lumutas sa mga suliraning pampamilya.
Tingnan mo ang wastong sagot sa Gabay sa Pagwawasto. Maaari
mo pa ring isangguni sa iyong guro ang iyong mga sagot.
Ngayon, magpatuloy ka na sa susunod na modyul. Binabati kita.
Pagyamanin Natin
Sariling Pagsusulit
9. 126
Subukin Natin
A. Sa aking palagay, ang mamamayan ay dapat katuwang ng
pamahalaan. Sila ay may tungkuling tumulong sa pamahalaan sa
pagsulong sa kaunlaran ng bansa.
B. Para sa akin, ang sugal ay hindi dapat gawing legal dahil
hindi lang ito nagpapasadlak sa kabataan sa masamang bisyo,
dahilan din ito sa kahirapan ng mas nakararaming pamilyang
Pilipino.
Gawin I
1. Dapat ding matutuhan ng mga babae ang mga gawaing lalaki
dahil hindi sa lahat ng panahon at pagkakataon na
kakailanganin ang serbisyo ng mga lalaki ay nandiyan sila. Isa
pa mas maging independente ang kababaihan kung mas marami
silang kayang gawin.
2. Sa tingin ko dapat ding matutuhan ng mga lalaki ang mga
gawaing babae dahil mas maging makatutulong sila sa pamilya
kung marunong sila sa mga gawaing bahay gaya ng mga babae.
Gawain I-A
1. Sa palagay ko, dapat ding magtrabaho ang mga ina dahil sa
panahon ngayon na mahirap kumita ng pera mas makabubuti na
makatutulong sila upang guminhawa ang pamumuhay ng mga
mag-anak.
2. Dapat ipagmalaki ng lalaki ang pagtatrabaho ng kanyang mises
sa kadahilanang nakatutulong ito ng malaki sa pangangailangan
ng kanilang pamilya.
Gabay sa Pagwawasto
10. 127
Mga Dagdag na Gawain
1. Sa tingin ko, talagang tanda ng pagkakaisa ang sama-samang
pagdarasal ng pamilya. Sa panahon ngayon na ang bawat kasapi
ng pamilya ay parang laging abala sa kani-kanilang gawain kahit
sa ganitong sitwasyon nagkasama-sama pa rin sila sa
pagdarasal, masasabi ko talagang nagkakaisa sila.
2. Sa pananaw ko, wala talagang ibang kayamanan na hindi
mananakaw kundi ang karunungan lang dahil hindi ito
makukuha ng isang tao mula ninuman.
Sariling Pagsusulit
1. Para sa akin dapat talagang mag-aaral ang batang katulad ko
dahil ito lang ang paraan upang magkaroon ako ng kamalayan
sa mga bagay-bagay at ito rin ang makapagbibigay sa akin ng
magandang kinabukasan.
2. Sa tingin ko ang tahanan ang makahuhubog sa kaasalan ng bata
dahil ang mga unang taon niya sa pagkatuto ay ginugol niya sa
tahanan. Sa pagpasok niya sa paaralan, mayroon na siyang
angking asal na nagmula sa tahanan at hanggang sa paglaki
niya patuloy siyang matututo mula rito.
3. Ang turo ng paaralan ay hindi panay teorya lamang. Sa
katunayan marami itong itinuturo na naghahanda sa mag-aaral
upang mabuhay sa mundo katulad ng pagtatanim,
pagkakarpintero, at marami pang iba.
4. Ang paggalang sa magulang ay kayamanang higit pa sa ginto
dahil ito ang tunay na nagbibigay ng sigla at tuwa sa mga
magulang. Hindi nila ito ipagpapalit kahit sa ano pang yamang
kumikinang.
Pagyamanin Natin
1. Sa tingin ko hindi dapat maglayas ang isang anak kapag
napapagalitan ng magulang dahil baka mapahamak siya.
2. Sa palagay ko, ang mga suliraning pampamilya ay kaya ng
lutasin ng mga mag-asawa dahil sila ang higit na nakakaalam
nito.